Alin sa mga petsa de peligro moves na ito ang ginagawa mo?
1. Dear Ate Linda
Dahil hindi mo na alam kung aabot ang natitirang pera mo hanggang sa susunod na sweldo, pinapalista mo na lang yung mga kinain mo sa coop, o sa carinderia. Buti ka-close mo si Ate Linda.
2. Sagip Kapamilya
Natuto kang maglambing sa mga magulang mo, baka sakaling maawa sila sa iyo at pautangin ka. Alam ko nasa isip mo—sana makalimutan na nila ang utang mo o, kaya naman, hindi ka na nila pagbayarin.
3. De Lata University
Daig mo pa ang binigyan ng relief goods dahil halos araw-araw ang baon mo de-latang ulam. Sardinas sa Lunes, tuna sa Martes, corned beef sa Miyerkules… ‘Di bale nang kumapit sa de-lata kaysa sa patalim.
4. Hating Kapatid
Toka kayo ng kaibigan o jowa mo sa pagkain para makatipid. Sa ‘yo ang kanin at sa kanya ang ulam o vice versa. Pero alam n’yo sa sarili n’yong ‘di pa rin ito effective kasi parehas kayong matakaw.
5. Friends with Benefits
O mas kilala sa teknik na “buraot.” Sasabay ka sa mga kaibigan mo mag-lunch, at hihingi o aantayin mong alukin ka nila ng ulam. Ayos, parang nasa fiesta lang, ah?
6. Laglag Barya
Itinaob, ibinaligtad, o itinaktak ang alkansya, pantalon, mga nagamit na bag, o ano pang gamit na posibleng may natira pang barya o pera na pwedeng maidagdag kahit sa pamasahe man lang.
7. Alay Lakad
Ang dating hindi nilalakad, ngayon ay tinityaga nang lakarin para makatipid sa pamasahe. Masaya itong gawin lalo na pag may kasamang kaibigan o ka-ibigan. Alay lakad para sa budget!
8. Diet-Dietan
Akala ng mga ka-opisina mo nagdi-dyeta ka na dahil oatmeal o kape lang ang almusal mo at di ka na nagmemeryenda. Pero ang totoo, umiiwas ka lang gumastos sa pagkain para kumasya ang budget mo hanggang sa susunod na sweldo.
9. The Contortionist
Lahat na ng paraan ng pagtitipid ginawa mo na para lang mapagkasya ang tatlong araw na budget sa isang linggo. Dito mo lang ma-rerealize na sana hindi ka masyadong nagtakaw nung may pera ka pa.
10. Raketeer
Teknik kung halos wala na talaga. Hahanap ng sideline o magbibenta ng “pre-loved” na damit o gamit para ma-extend ang budget. Ica-caption mo pa na “rush sale” para makaakit ng buyers.