Summer na! Alam nating lahat na kapag sumapit ang buwan ng Marso, ay nagbabadya na ang init ng panahon. Para sa ating mga employees, mahirap ang araw-araw na pag-pasok sa trabaho kapag maalinsangan ang panahon. Nakakabaho, nakakapanlagkit, at nakakapanlambot, ‘di ba? Pero worry not! Narito ang walong tag-init survival tips para maiwasan ang mga health risks ngayong panahon ng tag-init.
1. Hydrate!
Dahil sa madalas tayong nagpapawis lalo na kapag mainit ang panahon, mabilis itong maka-dehydrate. Kaya ugaliing uminom ng walong basong tubig araw-araw sa bahay man o trabaho. Dagdag pa rito, bawasan din ang pag-inom ng mga alcoholic at caffeinated na inumin gaya ng alak at kape, dahil maaari nitong palalain ang dehydration sa ating katawan.
2. Magsuot ng preskong damit.
Iwasan muna ang pag-suot ng mga makakapal at dark colors na mga damit para mas presko ang pakiramdam. Pwedeng magsuot ng mga long-sleeves or pullovers basta’t ito ay yari sa cotton. Kung ang opisina niyo naman ay air-conditioned, magbaon na lamang ng jacket upang sa gayon ay hindi lamigin.
3. Magdala lagi ng payong, pamaypay, at shades.
Huwag katamarang magdala o magbaon ng payong, pamaypay, at shades. Makatutulong ang mga ito nang husto para mas mapadali at mas kumportable ang iyong pag-commute papunta sa trabaho. Kung naha-hassle sa pamaypay, effortless ang pagdala ng portable fan.
4. Maglagay ng sunscreen.
Magpahid ng sunscreen sa mukha (bago mag-makeup para sa mga babae) at sa mga parte na maaarawan bago lumabas ng bahay. Importante ito para maproteksyunan ang iyong balat mula sa harmful UV rays na maaring magdulot ng mga sakit sa balat gaya ng sunburn o worse, skin cancer. Piliin ang SPF 25 pataas sa mas garantisadong proteksyon.
5. Huwag masyadong magpa-expose sa initan.
Kung walang pasok sa trabaho, piliin na lamang na manatili sa inyong tahanan para makaiwas sa heatwave. Kung may mga lakad o gala naman, hangga’t maaari ay i-set ito sa hapon o gabi para hindi mabanas bumyahe.
6. Huwag agad tatakpan ang bagong-lutong baon para ‘di mapanis.
Isa sa mga importanteng tag-init survival tips na dapat nating pakatatandaan ay iwasang mag-luto at mag-saing nang madami. Mas mataas kasi ang risk na magmultiply ang mikrobyo sa loob ng nakakulob na pagkain na sanhi ng mabilis na pagkapanis ng pagkain. Kaya kung maghahanda ng babaunin, huwag muna agad tatakpan ang lalagyan. Hayaan na munang sumingaw ang init para hindi ito mapanis. Ilagay ang sobrang pagkain sa refregirator para ma-reheat at makaing muli sa gabi.
7. Maligo at least twice a day.
Para mas maiwasan ang pagkabanas at panlalagkit ng katawan dulot ng maalinsangang panahon, maligo nang dalawang beses sa isang araw. Huwag din paniwalaan ang haka-haka na nakaka-anemic ang pagligo sa gabi. Sa katunayan, ayon sa post ni Doc Willie Ong sa Facebook, makatutulong pa ito upang hindi mamahay ang mikrobyo sa ating katawan dulot ng pagpapawis.
8. Bring extra pamunas.
At dahil mananatili pa ng mga dalawa hanggang tatlong buwan si haring araw dito sa ating bansa, ugaliin din na magdala ng extrang bimpo o pamunas ng pawis. Makakatutulong ito na maiwasan ang pagkakaroon ng hindi kanais-nais na amoy o body odor na dulot ng pagkatuyo ng pawis.
Paalala ng FilWeb Asia na laging pakatatandaan ang mga tag-init survival tips na ito para maiwasan ang heatstroke, sunburn, at iba pang mga related na sakit na pwede mong makuha mula sa maalinsangang panahon. Stay fresh, bes! Huwag kalimutan na mag-saya nang ligtas ngayong summer.